Tulad ng ibang mga papaunlad pa lamang na bansa, ang Indonesia ay humaharap sa mataas na disempleyo, kakulangan sa trabaho, at mababang sahod. Sa kabila ng mataas na pangangailangan ng Hapon para sa walang-kasanayang paggawa (unskilled labor), ang batas sa imigrasyon sa kabuuan ay nagpapahintulot lamang sa pagpasok ng highly-skilled labor. Gayunpaman, sa nakaraang mga dekada, mayroong lumalaking bilang ng mga dayuhang manggagawa na may mababa o walang-kasanayan na nakapasok sa Hapon at nakapagtrabaho nang ligal at iligal.
Ang isang ruta ay sa pamamagitan ng programa para sa pagsasanay ng mga manggagawa na itinatag noong dekada 50. Libu-libong mga manggagawa mula sa Korea, Taiwan, Indonesia, Thailand, at Malaysia ang nagtungo sa Hapon sa ilalim ng programang ito mula dekada 50 hanggang sa pagrurok ng ekonomya noong dekada 80. Ang isang rebisyon sa Immigration Control and Refugee Recognition Law ay nagpatibay sa pagsasara ng pintuan ng pamahalaang Hapon sa mga manggagawang walang-kasanayan samantalang binubuksan ito para sa mga dayuhang may kasanayan at kaalaman sa teknolohiya. Noong 1993, pinalitan din ng inamyendahang batas ang lumang sistema ng pagsasanay ng Technical Intern Training Program.
Tinutukoy sa pag-aaral na ito ang heneral na tipolohiya ng mga migranteng Indones na kasalukuyang nagtatrabaho sa Hapon at sinusuri ang mga indibidwal na kalagayan at karapatang pantao ng mga migrante sa ilang takdang lungsod, nang may pagtutuon sa mga trainee at iligal na manggagawa.
Pagsapit ng taong 2000, ang kabuuang bilang ng mga Indones na trainee ay umabot na sa 12,396, mas kaunti nang mahigit sa bilang ng mga Tsino, subalit higit sa bilang ng mga nagmula sa Thailand, Pilipinas, at Malaysia. Ang karaniwang trainee ay may edad na mula 20 hanggang sa maagang 30, may pinag-aralan, at lalaki. Ang mga trainee ay karaniwang nakakunsentra sa sektor ng manupaktura sa mga gawain na hindi awtomatikong nangangailangan ng pagsusulit sa kasanayan. Bagamat sa esensya’y “manggagawa,” ang kanilang katayuan bilang “trainee” ay sumasagka sa pagtamasa ng kanilang mga karapatan at napipilitan silang tiisin ang di-mainam na kundisyon sa paggawa. Kabilang dito ang pagtanggap ng “allowance” sa halip na sahod, sapilitang pagtatrabaho nang labis sa oras, pang-aabusong pisikal mula sa mga nangangasiwa, at sapilitang pag-iimpok. Mayroong mga pagkakataon kung saan iniiwan ng trainee ang kanyang takdang gawain para maghanap ng mas mataas na sahod sa pamamagitan ng pagtrabaho bilang iligal na manggagawa.
Ang mga Indones ay nagiging iligal na manggagawa sapagkat mahirap para sa mga manggagawang walang-kasanayan na makakuha ng pahintulot na magtrabaho. Maraming mga maliliit at katamtamang-laking empresang Hapon ang nangangailangan ng manggagawa na handang tumupad sa mga madudumi, peligroso, at mahihirap na gawain kapalit ng mababang sahod at walang benepisyo. Subalit ang mga iligal na manggagawa ay walang pananggalang sa pang-aabuso ng kapitalista at ahente, at kadalasa’y hindi nakakatamasa ng serbisyo sosyal. Ang mga kalalakihan ay karaniwang nasa mga gawaing nangangailangan ng ibayong lakas sa mga sektor ng manupaktura at konstruksyon. Nagtatrabaho rin ang mga Indones sa sex industry, sa mga plantasyong agrikultural, at sa mga industriya ng pangingisda. Ipinapakita nito na ang mga iligal na migrante-manggagawang Indones ay nakararating na sa iba’t-ibang mga sektor at lumalakas na ang loob sa paghahangad na makapagtrabaho.
Isinalin ni Sofia Guillermo